11/01/2026
“WALA NA NGANG NAHULI SA FLOOD CONTROL, IPAPAKULONG PA SI LEVISTE?”
Mariing kinuwestiyon ni Cong. Kiko Barzaga ang direksyon at prayoridad ng administrasyon ni Marcos Jr., kaugnay ng mga isyu ni Cong. Leandro Leviste—isang mambabatas na kinikilalang nangunguna sa paglalantad ng mga diumanong anomalya at katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH), partikular sa usapin ng flood control projects.
Sa isang matapang na pahayag, hindi itinago ni Barzaga ang kanyang pagkadismaya:
“Wala na ngang nahuli si Marcos sa Flood Control, ipapakulong pa niya si Leviste? Anong klaseng utak ng Presidente ’yan?”
Umani ng malawak na reaksiyon ang pahayag sa gitna ng magkakasabay na kontrobersiya: una, ang patuloy na kawalan umano ng napapanagot na malalaking isda sa bilyon-bilyong pisong alegasyon ng anomalya sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways; at ikalawa, ang inihaing imbestigasyon laban kay Leviste na kasalukuyang sinusuri ng Office of the Ombudsman.
Isyu ng Solar Power Franchise
Batay sa impormasyong inilabas, iniimbestigahan ng Ombudsman ang umano’y pagbebenta at paglilipat ng controlling interest ng isang solar power company na may kaugnayan kay Leviste. Ang sentro ng alegasyon: ang naturang transaksyon ay umano’y hindi dumaan sa pag-apruba ng Kongreso, na isang rekisitong itinatadhana ng batas.
Ayon kay Boying Remulla, mas pinatitindi ng isyu ang kawalan umano ng pahintulot ng Kongreso dahil ang prangkisa ng kompanya ay isang national franchise—isang uri ng prangkisang itinuturing na kritikal sa pambansang interes at hindi maaaring ilipat o ipagbili nang walang malinaw at tahasang awtorisasyon mula sa lehislatura.
Para kay Barzaga, hindi maiiwasang ikumpara ang mabilis na pag-usad ng imbestigasyon laban kay Leviste—na kilala sa paglalabas ng sensitibong impormasyon ukol sa DPWH—sa aniya’y mabagal, o halos walang, pananagutan sa mga sangkot sa flood control scandal.
Sa ngayon, nananatiling bukas ang mga imbestigasyon—kapwa sa isyu ng solar power franchise at sa matagal nang hinihinging pananagutan sa flood control projects—habang patuloy na sinusubok ng mga usaping ito ang paninindigan ng administrasyon sa laban kontra korapsyon sa mata ng publiko.