10/07/2022
Happy Lord's Day!
Hulyo 10, 2022
Pamagat: Higit Na Mahalaga
Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa Inyo. -Marcos 10:28 [MBB]
Basahin: Marcos 10:17-28
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
17 Nang paalis na si Jesus, isang lalaki ang patakbong lumapit sa kanya at lumuhod. Nagtanong ang lalaki, “Mabuting G**o, ano po ang dapat kong gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan?”
18 Sumagot si Jesus, “Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Dios lang ang mabuti, wala nang iba!
19 Tungkol sa tanong mo, alam mo ang sinasabi ng Kautusan: ‘Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, huwag kang mandadaya, at igalang mo ang iyong ama at ina.’ ”
20 Sumagot ang lalaki, “G**o, sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata.”
21 Tiningnan siya ni Jesus nang may pagmamahal at sinabi, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang mga ari-arian mo, at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.”
22 Nalungkot ang lalaki nang marinig ito. At umalis siyang malungkot, dahil napakayaman niya.
23 Tumingin si Jesus sa paligid at sinabi sa mga tagasunod niya, “Napakahirap para sa mayayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios.”
24 Nagtaka sila sa sinabi ni Jesus, kaya sinabi niya, “Mga anak, napakahirap talagang mapabilang sa kaharian ng Dios.
25 Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.”
26 Lalong nagtaka ang mga tagasunod niya, kaya nagtanong sila, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?”
27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Imposible ito sa tao pero hindi sa Dios, dahil ang lahat ay posible sa Dios.”
28 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Paano naman po kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.
May hindi magandang karanasan noon ang aking ina sa mga sumasampalataya kay Jesus. Kaya, nagalit siya nang malaman na mananampalataya na rin ako. Iniisip niya na huhusgahan ko siya kaya hindi niya ako kinausap sa loob ng isang taon. Labis ko itong ikinalungkot pero napagtanto ko na higit na mahalaga ang relasyon ko sa Dios kaysa sa relasyon ko sa mga mahal ko sa buhay.
Gayon pa man, patuloy kong idinalangin sa Dios ang nanay ko at humingi ako ng tulong na mahalin ko pa siya lalo. Sa tulong ng Dios ay nagkaayos kami. At kalaunan, sinabi ng nanay ko, “Nakita ko ang pagbabago sa’yo. Sa tingin ko, handa na akong makinig ng tungkol kay Jesus.” ‘Di nagtagal, sumampalataya siya kay Jesus at namuhay nang nagpapakita ng pagmamahal sa Dios at sa ibang tao.
May isa namang mayamang lalaki na nagtanong kay Jesus kung paano magkaroon ng buhay na walang hanggan. Pero, nang malaman niya na kailangan niyang ipamigay ang lahat ng kanyang kayamanan, umalis siyang malungkot dahil hindi niya kayang isuko ang kanyang kayamanan (Marcos 10:17-22). Tulad niya, nahihirapan din akong isuko ang lahat para sa Dios at sumunod sa Kanya.
Tunay na hindi madaling isuko ang mga bagay o mga tao na sa tingin nati’y mas magbibigay sa atin ng seguridad kaysa sa Dios (Tal. 23-25). Pero ang buhay na walang hanggan na kasama si Jesus ay higit na mahalaga. Taos-pusong inalay ni Jesus ang Kanyang buhay upang iligtas ang lahat ng tao. Binibigyan Niya rin tayo ng kapayapaan at ipinapadama ang Kanyang lubos na pagmamahal.
- Xochitl Dixon
Panginoon, salamat po sa Inyong pagmamahal at sa pagpapaalala na higit Kayong mahalaga sa kahit sino at kahit anong bagay dito sa mundo.
React, Share, and post your reflections.
Follow us on Twitter: twitter.com/odbpilipinas
and on Instagram: instagram.com/ourdailybreadpilipinas
Visit filipino-odb.org
to learn more about Our Daily Bread Ministries and our resources
Copyright © 2022 Our Daily Bread Ministries, All rights reserved.
Disclaimer: Please note that internet browsers and online platforms may have built-in translation features that may inadvertently change the meaning and overall thought of our content.