26/03/2021
HUWAG MAGING BIKTIMA!
Binibigyan ng babala ang publiko na huwag mag-invest sa RGS WORLD MARKETING CORP. na siyang pinamumunuan nina Mr. RODOLFO GARCIA SALARDA JR., Mr. HENJE NOBLE, at Mr. ENGIE ESTEVES. Lumilitaw rin na ang RGS WORLD MARKETING CORP ay pinapatakbo sa ilalim ng iba't ibang pangalan, ito ay ang mga sumusunod: 1)RGS ONLINE SHOP; 2)RGS ONLINE MARKETING at 3)RGS FOUNDATION. Ang RGS WORLD MARKETING CORP. ay isang korporasyon na nakarehistro sa Komisyon noong Disyembre 10, 2020 sa ilalim ng Company Registration No. CS202069716 ngunit ito ay WALANG LISENSYA upang mangalap ng investment mula sa publiko na isang malinaw na paglabag sa Securities Regulation Code.
Samantala ang RGS ONLINE SHOP / RGS ONLINE MARKETING ay pinagkalooban ng Certificate of Business Name Registration bilang 2240745 ng Department of Trade and Indutry (DTI) noong ika-14 ng Oktubre 2020. Habang ang RGS FOUNDATION ay hindi nakarehistro sa Komisyon.
Batay sa impormasyong nakalap ng Komisyon, ang RGS WORLD MARKETING CORP. ay nag-aalok ng mga COMPLANS na kung saan ang pinakamababang maaaring ipuhunan ay nagkakahalaga ng Php1,000.00 at ang investor nila ay maaaring mamuhunan nang walang limitasyon. Ang puhunan mong Php1,000.00 ay maaaring maging Php3,500.00 o kumita ng katumbas na 250% mula sa kabuuang halaga ng inyong investment; ang Php5,000.00 ay magiging Php17,500.00 (250%);ang Php10,000.00 ay magiging Php35,000.00-40,000.00 (250% hanggang 300%) at ang Php20,000.00 ay magiging Php80,000 (300%). Kung kaya’t kung mataas ang halaga ng inyong puhunanan ay mas malaki din ang inyong payout.
Dagdag pa rito, may iba’t-ibang paraan para kumita ang kanilang mga investors, ito ay ang mga sumusunod:
1)Referral Bonus – Kapag mas madami kang nahikayat, mas malaki ring ang inyong bonus at payouts;
2)Direct Selling – Sa bawat Php1,000.00 na membership ay mabibigyan ka ng mga produkto ng RGS na maaari mong gamitin para sa inyong personal na pangangailangan o di kaya ibenta para sa dagdag kita;
3)Board Bonus/Payouts – Ito ay walang time frame para kitain.
Ayon sa aming pagsusuri, ang complans na inaalok ng RGS WORLD MARKETING CORP. ay maituturing na isang “investment contract” na nangangailangan ng kaakibat na rehistro mula sa SEC kaya muling pinapaalalahanan ang publiko na maging mapanuri bago maglaan ng pamumuhunan sa nasabing offer kumpanya o sa mga tulad nitong hindi awtorisado ng Komisyon at sa iba pang mga “illegal investment schemes” ngayon.
Kung kayo ay may nalalaman o karagdagang impormasyon hinggil sa nabanggit na gawain at sa mga taong nagpapatakbo sa operasyon nito, maaaring makipag-ugnayan sa Enforcement and Investor Protection Department sa pamamagitan ng email address na [email protected].
Ang advisory ng Komisyon tungkol sa RGS WORLD MARKETING CORP. ay mababasa sa sumusunod na link sa SEC website: https://www.sec.gov.ph/advisories-2021/rgs-world-marketing-corp/.