09/04/2025
Anong Point? 🤔
8 Abril 2025
Rep. Ron P. Salo
KABAYAN Partylist
Pahayag Ukol sa Paglilinaw sa Probisyon ng Allotment sa Magna Carta of Filipino Seafarers
Nais naming tugunan ang mga lumalabas na pangamba, agam-agam at maling pinakakalat kaugnay ng probisyon sa allotment na nakapaloob sa Magna Carta of Filipino Seafarers. Mahalagang mabigyang-linaw ito upang hindi malinlang ang ating mga seafarer ng mga taong mali ang pagkaunawa o ng mga taong nais silang lituhin sa totoong nilalaman ng Magna Carta, lalo na sa usaping may kinalaman sa kanilang kita at kabuhayan.
Upang maiwasto ang ilang maling akala, narito po ang ilang mahahalagang paglilinaw:
Una, ang allotment ay hindi bagong probisyon ng batas. Matagal na itong bahagi ng Standard Employment Contract (SEC) ng mga Filipino overseas seafarer. Inulit lamang ito sa Magna Carta upang patuloy na maipatupad at maiwasan ang maling interpretasyon. Kung ito ay inalis, maaaring magdulot ito ng pagkalito at akalaing tinanggal na ito bilang pulisiya.
Ikalawa, ang allotment ay tumutukoy sa 80% ng basic wage kasama ang fixed overtime—hindi ito 80% ng kabuuang kita, at lalong hindi 100% ng kabuuang kita. Gayundin, 80% lamang ito ng kanilang tiyak at regular na bahagi ng sahod ng seafarer, at hindi kasama ang mga bonus, incentive pay, o iba pa nilang tinatanggap.
Ikatlo, maaaring italaga ng seafarer ang kanyang sarili mismo bilang allottee. Taliwas sa ibang paniniwala, hindi kailangang kapamilya lang ang allottee. Maaaring ipangalan ng seafarer ang sarili upang makapagtabi ng bahagi ng kita sa isang banko sa Pilipinas habang siya ay nasa ibang bansa.
Ikaapat, layunin ng probisyong ito na hikayatin ang pag-iimpok para sa kinabukasan ng seafarer. Sa pamamagitan ng regular na remittance, nabibigyan ng oportunidad ang seafarer na magkaroon ng forced savings na maaaring magamit sa pagreretiro, mga emergency, o sa kanyang muling pagbalik sa Pilipinas.
Ikalima, ang remittance ay para sa seafarer o sa kanyang pamilya—hindi ito napupunta sa gobyerno. Mahalagang bigyang-diin na ang remittance ay hindi buwis, at walang bahagi ng allotment ang kinukuha ng pamahalaan. Ang buong halaga ay napupunta sa seafarer at sa kanyang napiling benepisyaryo.
Ikaanim, ang allotment ay isang mahalagang mekanismo para masiguro na may sapat at regular na suporta ang pamilya ng ating mga seafarer. Tinitiyak nito na may naipapadalang pera para sa kanilang mga pamilya at mahal sa buhay habang sila ay nasa barko—para sa araw-araw na gastusin, edukasyon, at iba pang pangangailangan sa tahanan, alinsunod na rin sa kanilang obligasyon na tustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ikapito, hinihikayat ng allotment ang disiplina sa pananalapi at ang pagpaplano para sa kinabukasan ng mga seafarers at kanilang pamilya. Sa pamamagitan ng regular na pagpapadala ng bahagi ng kita, natutulungan ang ating mga seafarer na magkaroon ng mas maayos na paghawak sa pera—pag-iimpok, pagbadyet, at paghahanda sa kanilang retirement.
Mahalaga ring tandaan na walang itinakdang exchange rate sa ilalim ng Magna Carta. Subalit sinisigurado nito na maibigay sa kanila ang pinakamataas na palitan sa petsa ng kanilang pagpapadala.
Nanawagan kami sa mga lehitimong institusyon at sektor na tumulong sa pagbibigay ng tamang kaalaman at impormasyon sa ating mga seafarer at kanilang pamilya upang hindi sila malinlang ng mga nagpapakalat ng maling balita. Hinihikayat natin ang ating mga seafarer na basahin ang nilalaman ng Magna Carta, at makinig lang sila sa mapagkakatiwalaang pinagmumulan ng impormasyon at huwag maniniwala sa mga taong nais manlinlang sa kanila. Madalas ang mga nagpapakalat ng fake news ay pawang naapektuhan ang kanilang ilegal na gawain laban sa mga seafarers dahil sa proteksyon na nakapaloob sa Magna Carta.
Bilang isa sa pangunahing may-akda ng Magna Carta of Filipino Seafarers at kinatawan ng KABAYAN Partylist, muling pinagtitibay ko ang aking paninindigan sa pagtatanggol sa karapatan at kapakanan ng mga Pilipinong seafarer. Mahalagang siguraduhin na hindi lamang mabigyan ang mga seafarer ng sapat na proteksyong legal, kundi pati ang wastong kaalaman upang makagawa sila ng matalinong desisyon para sa kanilang kinabukasan.