17/06/2022
Sa buhay natin, maraming posibleng mangyari. May mga pagkakataon na natatakot tayong subukan yung isang bagay kasi “baka mahirap”, “baka ‘di ko kayanin”, o sadyang ayaw mo lang kasi mahina pa ang loob mo. Ako, takot akong pumunta sa matataas na lugar; pero gusto kong mataas ang marating ko sa buhay. Kadalasan gusto kong nasa baba na lang at tumingala (parang yung takot ko sa pagsakay sa Ferris Wheel at Rollercoaster); pero ayaw ko na mababa ang mangyari sa buhay ko at pamilya ko. Nakakatawa ‘no? Pero kung tutuusin, sa buhay mayroon naman talagang “taas” at “baba”. Paikot-ikot na cycle ng buhay na hindi mo kailanman pwede pigilan. Ang tanging bagay lamang na gagawin mo ay SUBUKAN. Sumubok ka lang sa sugal ng buhay, imbis na magduda sa sarili mong kakayanan, bakit hindi mo isipin na “baka mahirap sa una kasi may kapalit na maganda”, “baka ‘di ko kaya sa ngayon, pero itutuloy ko hanggang sa makaya ko”, o “susubukan ko ito para mas lumakas ang loob ko.” Diba, ang sarap pakinggan?
Kahit na may maranasan ka mang “taas” o “baba” sa buhay, katulad ng mga rides sa amusement parks - mag-enjoy ka lang, tumawa ka, umiyak ka, namnamin mo lang yung pagkakataon. Kasi kapag nalampasan mo naman ang mga yan, maaalala mo yung masayang experience… at baka umulit ka pa. 😉
-Coach Jarvie