08/10/2026
8 indibidwal, arestado sa umano’y pagbebenta ng pekeng slimming coffee sa Bulacan
TINGNAN: Arestado ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang walong indibidwal sa isang warehouse sa Plaridel, Bulacan na umano’y ginagamit sa paggawa ng pekeng slimming coffee.
Ayon sa ulat na natanggap ni CIDG Director MGen. Robert Alexander Morico II, kabilang sa mga naaresto ang isang Chinese national, limang Filipino na lalaki, at dalawang Filipino na babae na umano’y mga empleyado ng pasilidad.
Isinagawa ang operasyon noong Oktubre 6 sa Barangay Parulan sa bisa ng search warrant kaugnay ng umano’y paglabag sa Intellectual Property Code of the Philippines.
Narekober sa warehouse ang mga finished products ng umano’y pekeng slimming coffee, raw materials, packaging materials, at iba pang gamit na tinatayang nagkakahalaga ng ₱6.1 milyon.
Ayon sa CIDG, ang mga produkto ay umano’y ginagawa at ibinebenta nang walang pahintulot mula sa may-ari ng trademark.
Nagbabala naman ang CIDG sa posibleng panganib sa kalusugan ng mga pekeng slimming product dahil maaaring hindi dumaan sa wastong pagsusuri at pag-apruba ng mga kinauukulang regulatory agency.