08/06/2026
Nakakagalit at nakakahiya na may mga pulitikong ang tingin sa mga ordinaryong manggagawa—kargador, basurero, bodyguard, driver, at security aide—ay mababang uri ng tao na puwedeng maliitin kapag nasaktan ang kanilang ego.
Kung totoo ang paggamit sa salitang “kargador” para sirain ang kredibilidad ng mga testigo, malinaw ang mensahe: kapag kailangan nila kayo, “kakampi” kayo; kapag nagsalita kayo laban sa makapangyarihan, bigla kayong basura sa paningin nila. That is not public service. That is arrogance. That is anti-poor politics.
Hindi insulto ang maging kargador. Kahit si former Senator Manny Pacquio dumaan ng pagiging kargador. Hindi insulto ang maging basurero, si Mayor Isko Moreno dumaan ng pagiging basurero, pero proud siya. Marangal ang trabahong nagpapakain sa pamilya. Ang tunay na kahihiyan ay ang pulitikong yumayaman sa poder habang minamaliit ang taong-bayan na bumubuhat, naglilinis, nagbabantay, at nagsisilbi.
Ang dapat pag-usapan dito ay hindi kung “kargador” sila o “ex-Marines.” Ang dapat pag-usapan ay: may katotohanan ba ang alegasyon? May ebidensya ba? Sino ang tumanggap? Sino ang nag-utos? Sino ang nakinabang? Dahil ayon sa mga ulat, may mga testigong nagsabing naghatid sila ng mga maletang pera sa ilang opisyal, habang mariin naman itong itinanggi ng mga pinangalanan at may kasong defamation nang isinampa. Kaya dapat imbestigahan ito nang patas, bukas, at walang pananakot.
Kung inosente ang isang opisyal, ipakita ang ebidensya at dumaan sa tamang proseso. Pero kung korap, dapat walang awa ang batas: tanggal sa puwesto, kumpiska ang ninakaw, habang-buhay na disqualification sa public office, at kulong ayon sa batas.
Ang mahirap ay hindi props sa kampanya. Ang bodyguard ay hindi alipin. Ang kargador at basurero ay hindi panlalait. Sila ang mukha ng marangal na paggawa. Kung ang isang pulitiko ay mababa ang tingin sa kanila, mas mababa ang tingin niya sa taumbayan.
At sa bansang gutom na sa hustisya, hindi na sapat ang drama, presscon, at insultuhan. We demand accountability. We demand evidence. We demand justice. Public office is not a throne. It is a duty—and those who abuse it must be punished by the full force of the law.