07/03/2026
Matagumpay na naipa-uwi sa Pilipinas ang labinsiyam (19) na distressed OFWs sa pamamagitan ng maagap at koordinadong pagkilos ng MWO Jeddah at OWWA Jeddah, alinsunod sa mga direktiba ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac na tiyakin ang agarang pagtugon at tuloy-tuloy na serbisyo para sa mga overseas Filipino workers na nasa alanganing kalagayan.
Sa kabuuang bilang, apat (4) ay mga Bahay Kalinga wards, habang labinlima (15) naman ay mga distressed OFWs mula sa labas ng Bahay Kalinga na una sanang nakatakdang bumiyahe noong 03 Marso 2026. Sa kasamaang-palad, nakansela ang kanilang naunang flight. Dahil dito, agad na nagsagawa ng kaukulang aksyon ang MWO at OWWA Jeddah upang maihanap sila ng pinakamaagang posibleng kapalit na biyahe at matiyak ang kanilang ligtas at maayos na pagbabalik sa Pilipinas.
Ang nasabing repatriation effort ay isinakatuparan sa pangunguna nina Welfare Officers Harry Borres at Daisy Alilio, katuwang ang repatriation team na naghatid sa mga OFW sa paliparan at tumulong sa kabuuang airport facilitation at departure assistance ng mga repatriates.
Taos-pusong pasasalamat din po sa Philippine Consulate General in Jeddah (PCGJ) sa patuloy na suporta at pakikipag-ugnayan, gayundin sa mga kinauukulang opisina ng Pamahalaan ng Kingdom of Saudi Arabia sa kanilang mahalagang tulong at konsiderasyon upang maging maayos at matagumpay ang repatriation process ng ating mga kababayan.
Patuloy na naninindigan ang MWO Jeddah, katuwang ang mga partner-agencies nito, sa mandato ng pamahalaan na pangalagaan ang kapakanan ng mga OFW at maghatid ng maagap, makatao, at epektibong serbisyo sa oras ng pangangailangan.