15/08/2025
Banal na Krus Kooperatiba, Pinanday ang Plano para sa Mas Maunlad na Serbisyo
AGOSTO 14-15- "Pagmamahal at sakripisyo ang susi sa isang matagumpay na kooperatiba," ayon kay Gng. Myrna Tadiosa, Manager ng MDLC Multi-Purpose Cooperative sa Lucena City.
Paliwanag niya, ang tunay na tagumpay ng isang kooperatiba ay hindi lamang nasusukat sa laki ng kita o lawak ng operasyon, kundi sa dedikasyon at malasakit ng bawat kasapi at lider na handang magsakripisyo para sa ikabubuti ng nakararami.
Kaugnay nito, nagsagawa ng Lakbay-Aral ang Banal na Krus Kooperatiba sa MDLC Multi-Purpose Cooperative, Lucena City upang higit pang mapaunlad ang kanilang operasyon at serbisyo. Sa pagbisita, tumanggap sila ng mahahalagang kaalaman at inspirasyon mula sa matagumpay na karanasan ng MDLC Cooperative.
Kasunod nito, tumulak naman ang Board of Directors at mga kawani patungong Los BaƱos, Laguna para sa isinagawang bonding activity at regular na pagpupulong. Sa naturang pagtitipon, tinalakay at pinagplanuhan nila ang mga darating na gawain at proyekto na magpapaigting sa operasyon ng kooperatiba.
Pinamunuan ang BOD meeting ni Bb. Lorna Bayan bilang Chairperson ng Board of Directors, samantalang si Gng. Grace Escamillas, Manager, ang nanguna para sa staff.
Layunin ng dalawang araw na aktibidad na mas mapatatag ang samahan, mapalalim ang ugnayan ng mga opisyal at kasapi, at higit pang maisulong ang mga programang makikinabang ang buong kooperatiba.